Pumunta sa nilalaman

Matcha

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Matcha
UriTsaang lunti

Ibang pangalan抹茶, "pinong pulbos na tsaa"
PinagmulanTsina

Maikling paglalarawanPulbos na tsaang lunti na ginilingang-bato mula sa Tsina

Pangalan ayon sa rehiyon
"Matcha" sa Hanzⅰ
Pangalang Tsino
Tsino抹茶
Pangalang Koreano
Hangul말차
Hanja抹茶
Ibanag pangalang Koreano
Hangul가루차
Pangalang Hapones
Kanji抹茶
Kanaまっちゃ

Ang matcha[a] (抹茶) ay pinong pulbos ng dahon ng tsaang lunti na may espesyal paglilinang at pagpoproseso na nagmula sa Tsina. Nang maglaon, nilinang sa Hapon ang luntiang kulay na makikita sa karamihan ng modernong matcha, kung saan nagaganap ang karamihan ng produksiyon ngayon.[1] Sa ika-12 siglo o mas maaga pa, ipinakilala sa Hapon ang tsaang siksik ng mga Tsino, ang hilaw na materyales para sa matcha. Noong ipinagbawal ang produksiyon ng siksik na tsaa sa Tsina noong 1391,[2] inabandona sa Tsina ang matcha at nilinang sa Hapon pagkatapos nito.

Noong naimbento ang paraan ng pagtutubo sa lilim sa Hapon noong ika-15 siglo, tumingkad ang berde ng tsaang matcha sa halip na ang kulay kayumanggi nito noon. Pinapalaki sa malilim na lugar ang mga halamang ginagamit para sa matcha sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo bago ang pag-aani; tinatanggal ang mga tangkay at ugat sa pagpoproseso. Habang lumalago sa lilim, nagpoprodus ang halamang Camellia sinensis ng mas maraming teanina at kapeina. Iba ang pagkokonsumo ng pinulbos na matcha kumpara sa dahon o supot, dahil nakasuspinde ito sa likido, karaniwan tubig o gatas.

Isang tasa ng tsaang matcha

Kahulugan[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Hapon, nagbibigay-kahulugan ang mga pamantayan sa pagtatak batay sa Batas sa Pagtatak ng Pagkain (pinagtibay noong 2015) sa mga tsaa na maaaring itatak at ibenta bilang matcha. Ayon dito, binigyang-katuturan ang matcha bilang pinulbos na tsaa na nagagawa sa paggiling ng mga dahon ng tsaa na tinatawag na tencha (碾茶), sa pamamagitan ng gilingang pantsaa para maging pinong pulbos.[3][4] Tumutukoy ang tencha sa mga dahon ng tsaa na pinalaki sa lilim, pinasingawan, at pinatuyo nang walang pagmamasa.

Kasaysayan[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga iba't ibang siniksik na tsaa

Sa Tsina noong dinastiyang Tang (618–907), pinasingawan ang mga dahon ng tsaa tapos hinubog at siniksik sa hugis-bloke para maitago at maikalakal. Ayon sa Chajing ("Ang Klasiko ng Tsaa") ni Lu Yu (760-762), binubuo ang tsaa sa pagbusa ng siniksik na tsaa sa solidong anyo sa apoy. Pagkatapos, giniling ito sa gilingang kahoy na tinatawag na niǎn (, Hapones: yagen), pinakuluan ang tubig sa isang palayok, binudburan ng asin kapag kumulo na ito, dinagdagan ng pinulbos na tsaa sa kumulong tubig, at hinahayaang kumulo hanggang may bula.[5][6] Minsan, hinaluan ang tsaa ng berdeng sibuyas, luya, mansanitas, balat ng dalanghita, Tetradium ruticarpum, at malipukon.[5]

Noong dinastiyang Song (960–1279), pumatok ang paraan ng paggawa ng pinulbos na tsaa mula sa pinasingawang dahong tsaa na pinatuyo at ang paraan ng paghanda ng inumin sa pagbabati ng pinulbos na tsaa at mainit na tubig sa tason.[7]

Ginawang ritwal ng mga Budistang Chan ang paghahanda at pagkokonsumo ng pinulbos na tsaa. Inilarawan nang detalyado ng pinakaunang natitirang kodigong monastiko ng mga Chan, na pinamagatang Chanyuan Qinggui (Mga Tuntunin ng Kadalisayan para sa Monasteryong Chan, 1103), ang etiketa para sa mga seremonya ng tsaa.[7][8]

Dinala sa Hapon ang Budismong Zen at mga paraan ng paghahanda ng pinulbos na tsaa ni Eisai noong 1191. Sa Hapon, naging mahalagang bagay ito sa mga monasteryong Zen, at mula ika-14 hanggang ika-16 na siglo, lubos na pinahahalagahan ito ng mga miyembro ng matataas na antas ng lipunan.

Noong dinastiyang Yuan sa Tsina, sumikat ang babad-dahon na tsaa kumpara sa mga detalyadong ritwal ukol sa binating tsaa na nilinang sa korteng Song. Kaya unti-unting nawala sa Tsina ang uri ng tsaa na kilala natin ngayon bilang matcha, at imbes nito, luminang sa Hapon ayon sa mga estetiko at prinsipyo ng mga Hapones.[1]

Produksiyon[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pinalamig na tsaang tencha, pinakuluan mula sa dahon na ginagamit sa paggawa ng pinulbos na matcha

Gawa ang matcha sa mga dahong tsaa na pinalaki sa lilim na ginagamit din sa paggawa ng gyokuro. Nagsisimula ang paghahanda ng matcha ilang linggo bago ang pag-aani at maaari tumagal nang hanggang 20 araw, kung kailan tinatakpan ang mga palumpong para maiwasan ang direktang liwanag ng araw. Nagpapabagal ito sa pagtubo ng halaman, nagpapataas ng kloropila, nagpapaitim sa dahon, at nagpapaprodus ng mga asidong amino, lalo na ang teanina. Pagkatapos anihin, kung inirolyo ang mga dahon bago ipatuyo katulad ng paggawa sa sencha (煎茶), tsaang gyokuro (hamog-hade) ang magiging resulta. Sapagkat kung inilatag ang mga dahon para matuyo, Magwawatak-watak nang konti ang mga dahon at magiging tencha (碾茶) ito. Pagkatapos, maaaring tanggalin ang ugat at tangkay, at igiling ang tencha sa bato para maging ang pino, matingkad-berde, at malatalkong pulbos na kilala bilang matcha.[1]

Grado[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hanggang sa panahong Edo (1603-1867), monopolisado ang produksiyon ng matcha (tencha) ng mga tagapagtanim ng tsaa sa Uji, Kyoto. Noong panahong iyon, Baba Mukashi (祖母昔), Hatsu Mukashi (初昔) at Ato Mukashi (後昔) ang mga pinakamagandang tatak ng matcha na inialay sa shogun. Ibinebenta pa rin ng mga tagapagtanim ng tsaang uji ngayon.[9] Ibinebenta rin ngayon ng iba't ibang mga tindahan ng tsaa ng kani-kanilang grado ng mga tsaa na may pangalan.

Kahit walang malinaw na pamantayan para sa grado ng matcha mula sa pamahalaan ng Hapon o mga asosasyon ng industriya ng tsaa, may tradisyonal na pagkakaiba sa pagitan ng ichiban-cha (一番茶, lit. na'unang tsaa') at niban-cha (二番茶, lit. na'pangalawang tsaa'). Unang tsaa ng taon ang ichiban-cha na pinipitas tuwing patapos ng Abril hanggang patapos ng Mayo. Pangalawang tsaa ang niban-cha na pinipitas ng mga 45 araw pagkatapos pitasin ang ichiban-cha.

Mas maraming nitrohino at malayang asidong amino ang ichiban-cha na nakakadagdag sa lasa nito, habang mas maraming tanino (katekina) ang niban-cha na siyang mapait na sangkap.[10]

Sa komersiyo, lalo na sa labas ng Hapon, mas minamarket na ngayon ang matcha ayon sa "grado" na nagpapahiwatig ng kalidad.[11]

Sa mga sumusunod, hindi kinikilala ang "gradong panseremonya" sa Hapon, ngunit kilala ang "gradong pampagkain" o "gradong pangkulinarya".

  • Gradong panseremonya (ceremonial): itinalaga ang tsaa para sa mga seremonya ng tsaa at mga templong Budista. Dapat magamit ito sa koicha (濃茶), isang "makapal na tsaa" na may malaking proporsiyon ng pulbos sa tubig na ginagamit sa tradisyonal na seremonya ng tsaa. Panseremonya ang pinakapino at pinakapurong anyo ng matcha.[11]
  • Gradong primera (premium): de-kalidad na matcha na nilalaman ng batang dahon ng tsaa mula sa tuktok ng puno ng tsaa. Pinakamainam para sa arawang pag-inom, kakikitaan ito ng lasang sariwa't banayad na kadalasang perpekto para sa mga baguhan at sanay sa pag-iinom ng matcha.
  • Gradong panluto/pangkulinarya (cooking/culinary): ang pinakamurang anyo sa lahat. Bagay sa pagluluto, mga smoothie, atbp. Mapait ito nang kaunti dahil sa mga salik tulad ng produksiyon nito mula sa mga dahon sa medyo ibabang bahagi ng halamang tsaa, terunyo, panahon ng pag-aani, o proseso ng pagmamanupaktura nito.[11]

Sa pangkalahatan, mahal ang matcha kumpara sa mga ibang anyo ng tsaang lunti, ngunit nakadepende ang presyo nito sa kalidad. Mas mahal ang mga nakatataas na grado dahil sa paraan ng produksiyon at sa ginamit na nakababatang dahon, kaya mas pino ang lasa.

Ibang paggamit[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sinasahugan ito sa castella, manjū, at monaka; nilalahok sa ginadgad na yelo (kakigōri); hinahalo sa gatas at asukal bilang inumin; at hinahalo sa asin bilang pampalasa sa tempura na kilala bilang matcha-jio. Ginagamit din ito bilang pampalasa sa maraming Kanluraning tsokolate, kendi, at panghimagas, gaya ng mga keyk at pastelerya, kabilang dito ang pianono at cheesecake, kukis, puding, mousse, at sorbetes. Ibinebenta ang nagyelong yogurt na may matcha sa tindahan at maaaring gawin sa bahay gamit ang Griyegong yogurt. Ang Pocky at Kit Kat na pangmeryenda ay may bersiyong matcha sa Hapon.[12] Maaari ring haluin ito sa mga ibang uri ng tsaa. Halimbawa, idinaragdag ito sa genmaicha upang mabuo ang matcha-iri genmaicha (literal na tsaa ng tostadong pinawa at lunting dahon na dinagdagan ng matcha).

Kumalat na rin ang paggamit ng matcha sa mga modernong inumin sa mga kapihan sa Hilagang Amerika, tulad ng Starbucks, na naglabas ng mga "green tea latte" at iba pang inumin na lasang matcha pagkatapos nilang pumatok sa mga lokasyon nila sa Hapon.[13][14]

Talababa[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. "Matcha", ang pinakaraniwang baybay, at naaayon sa romanisasyong Hepburn ng hiraganang まっちゃ. Sa romanisasyong Kunrei-shiki (ISO 3602), "mattya" ang baybay nito. Di-pamantayan at di-karaniwan ang baybay na "maccha".

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. 1.0 1.1 1.2 Heiss, Mary Lou; Heiss, Robert J. (2007). "Japan: Unique Teas and Introspective Customs". The Story of Tea: A Cultural History and Drinking Guide [Ang Kuwento ng Tsaa: Isang Kasaysayang Pangkultura at Gabay sa Pag-inom] (sa wikang Ingles). New York: Ten Speed Press. ISBN 978-1-60774-172-5.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Shen, Defu. "補遺一"  [Addendum 1]. 萬曆野獲編  [Di-opisyal na Himalay sa Panahong Wanli] (sa wikang Tsino) – sa pamamagitan ni/ng Wikisource.
  3. "食品表示基準Q&A" [Mga Pamantayan sa Pagtatak ng Pagkain T&S] (PDF) (sa wikang Hapones). Consumer Affairs Agency. Marso 2021. Nakuha noong 2024-01-25.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Japan Tea Central Public Interest Incorporated Association (2019). 緑茶の表示基準 [Mga Pamantayan sa Pagtatak ng Tsaang Lunti] (PDF) (Ulat) (sa wikang Hapones). p. 21.{{cite report}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. 5.0 5.1 Lu, Yu. "五之煮"  [5]. 茶經  [Ang Klasiko ng Tsaa] (sa wikang Tsino) – sa pamamagitan ni/ng Wikisource.
  6. Han Wei, "Tang Dynasty Tea Utensils and Tea Culture: Recent Discoveries at Famen Temple", in Chanoyu Quarterly no. 74 (1993)
  7. 7.0 7.1 Tsutsui Hiroichi, "Tea-drinking Customs in Japan" [Kaugalian sa Pag-iinom ng Tsaa sa Hapon] (sa wikang Ingles), papel sa Seminar Papers: The 4th International Tea Culture Festival. Korean Tea Culture Association, 1996.
  8. "thezensite: The Origins of Buddhist Monastic Codes in China; book review" [thezensite: Ang Pinagmulan ng mga Budistang Kodigong Monastiko sa Tsina; pagsusuri ng aklat] (sa wikang Ingles). thezensite. Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Pebrero 2009. Nakuha noong 11 Marso 2009.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "上林春松本店" [Pangunahing Tindahan ng Kanbayashi Shunsho]. Kanbayashi Shunsho honten. Nakuha noong 2024-02-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Tsuji, Masaki (2001). "The Relationship between Chemical Components and the Quality of Tencha Tea" [Ang Relasyon ng Mga Sangkap na Kemikal at Kalidad ng Tsaang Tencha]. Tea Research Journal (sa wikang Hapones). Japanese Society of Tea Science and Technology. 2001 (90): 1–7. doi:10.5979/cha.2001.1.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. 11.0 11.1 11.2 Charky-Chami, Nicole (2023-07-26). "The Best Matcha Powders for Mixing Iced Green Tea Drinks Like Meghan Markle, Brad Pitt and Other Stars" [Ang Pinakamagandang Pinulbos na Matcha para sa Pagtitimpla ng Mga Inuming Tsaang Lunti't Yelo Gaya Nina Meghan Markle, Brad Pitt at Iba Pang Artista]. The Hollywood Reporter (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2023-07-28.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. Rebecca Smithers (24 Pebrero 2019). "The matcha moment: why even KitKats now taste of green tea" [Panahon ng matcha: bakit kahit Kitkat lasang matcha na]. The Guardian (sa wikang Ingles).{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. "Starbucks matcha marches into the Via lineup with new, Japan-exclusive green tea drink mix". SoraNews24 -Japan News- (sa wikang Ingles). 2016-06-10. Nakuha noong 2024-02-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. "Green Tea Joins Starbucks Menu - Queens Gazette". Queens Gazette -. 2006-04-19. Nakuha noong 2024-02-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)